Noong Abril nitong taon, iniratsada ang pag-apruba ng National Seed Industry Council (NSIC) sa varietal registration ng NSIC 2022 RC 682 GR2E o ang Malusog-1, isang variety ng Golden Rice na mariin at deka-dekada nang tinututulan ng mga magsasaka, konsyumer, at siyentista dala ng panganib nito sa sakahan, lokal na merkado, at laksang-buhay.
Kung ating babalikan, ang Golden Rice o Malusog 1 ay isang genetically modified na palay na may lubhang mababang taglay na beta-carotene sa kanyang butil. Binansagan itong Golden Rice dahil sa kulay dilaw nitong butil. Ayon sa mga nagtutulak nito kagaya ng Department of Agriculture (DA), International Rice Research Institute (IRRI) at Syngenta ang Malusog-1 ang solusyon upang sagutin ang problema ng kakulangan sa bitamina A sa mga bata, matanda at kababaihan sa Pilipinas.






Sa mahigit na dalawang dekadang pagtutulak ng IRRI at Syngenta sa Golden Rice upang ipakain at ipatanim sa mga maliliit na magsasaka at konsyumer sa kabila ng mga mabibisa, episyente, likas sa ating sakahan, at makakalikasang alternatibo gaya ng crop diversification at pagpapalakas at pagpapanumbalik ng mga katutubo at lokal na pagkain na natural na mayaman sa bitamina A, malinaw na hindi intesyon ng IRRI at Syngenta na lutasin ang kakulangan sa bitamina A.
Sa halip na humanap ng mga solusyon sa pagpapababa ng gastos sa produksyon ng pagkain at pagsasaka at pagpapadali at pagpaparami ng akses sa masusustansyang pagkain, ang mga dambuhala at mayayamang korporasyon kagaya ng Syngenta kasama ang mga pilantropo katulad ng Bill and Melinda Gates Foundation na siyang nagtutulak ng Golden Rice, mas minabuti pa nito na sagpangan ang nangyayaring krisis upang pagkakitaan at gawing negosyo.
Ang Golden Rice, bilang isang pribadong proyektong sinusuportahan ng mga pampublikong institusyon, ay nakatuon para magkamit ng kita para sa mga bumuo nito. Hindi nito intensyon na lutasin ang malnutrisyon at kagutuman sa bansa, bagkus nais nitong gamitin ang ating lupain at mamamayan upang magkamal ng kita mula sa mga maliliit na magsasaka at kaban ng bayan.
Sa katunayan, ang Syngenta, isa sa pinakamalalaking korporasyong naglalako ng mga binhi at inputs sa daigdig ay kumita ng US$ 8.9 bilyon o halos Php 500 bilyon noong nakarang taon sa kabila ng pandaigdigang krisis sa pagkain at agrikultura at sa kabila ng halos isang bilyong kataong kumakaharap sa kakulangan o kawalan ng pagkain.
Hindi na bago para sa mga Pilipinong magsasaka ang pagsamantalahan ng mga naglalakihang korporasyong nagtutulak ng mga proyektong kumakamkam sa ating lupain. Noong panahon ng pagragasa ng Green Revolution sa bansa sa mukha ng MASAGANA 99 ng administrasyong Marcos Sr. sa tulong ng IRRI at Rockefeller Foundation, ginawang pribadong negosyo ang paglalako ng mga high-yielding varieties at kemikal na inputs para kuno makatugon sa pagbaba ng suplay ng produktong agrikultural sa Pilipinas. Kalauna’y nagdulot ito ng pagkawala ng mahigit 4,000 na lokal at katutubong binhi ang nawala at pagkasadlak ng milyun-milyong magsasaka sa pagkautang.
Sa kasalukuyan, humaharap ang mundo sa lumalalang krisis sa seguridad sa pagkain, hindi dahil sa kakulangan ng pagkain bagkus ay sa napakamahal na presyo nito sa merkado. Sa gawi ng mga magsasaka, halos trumiple ang presyo ng mga inputs at kemikal na pataba. Sa gawi naman ng mga konsyumer, tumaas ng 33.5% nitong nakaraang dalawang taon ang presyo ng mga pagkain sa pandaigdigang merkado at ito ay inaasahang pa na tumaas sa mga susunod na buwan.
Habang patuloy na lumulusog ang bulsa ng Syngenta, patuloy naman ang pagkabansot ng kabuhayan at seguridad sa pagkain ng Filipinong magsasaka at konsyumer.
KLARO NA HINDI TAYO ANG LULUSOG SA MALUSOG 1.
Bagamat nariyan na ang mga lokal, likas at abot-kayang pagkain at likas-kayang pamamaraan ng pagsasaka na siyang totoong solusyon sa malnutrisyon at kakulangan sa bitamina A, kakarampot pa rin ang institusyunal na suportang natatamasa nito upang maging epektibo at makapagpanibagong hubog sa kabuuang sistema ng pagkain at agrikultura ng bansa.
Kung hindi man tayo papakinggan ng mga kinauukulan hinggil sa panganib ng Golden Rice at sa totoong holistikang solusyon sa kagutuman at kakulangan sa bitamina A, hindi na natin maipagkakaila na nasasaatin na ang tungkulin na suportahan at paingayin ang panawagan ng ating mga maliliit na magsasaka:
OUR LAND OUR FOOD OUR RICE, REJECT GOLDEN RICE!