Why we must support people’s campaign against Golden Rice

TINDIG NG MAGSASAKA | “Malalaking negosyo ang magbebenipisyo, habang ang mga magsasaka ang maghihirap,” ganito isinilarawan ni Norita Cabollo ng Brgy. Roxas, Basey, Samar ang kahahantungan ng pagpapalaganap ng Golden Rice sa kanilang lungsod at sa buong bansa.

Ayon naman sa mga kasamahan ni Nanay Norita sa Tambuligay Farmers Association, ito na ang kasalukuyang kalagayan nilang maliliit na magsasaka na mas palalalain pa ng Golden Rice. Panawagan nila sa pamahalaan ay ibayong suporta para mapalakas ang produksyon ng ligtas at sapat na pagkain na tutugon sa malnutrisyon.

Kasabay ng pagsumite, sa pangunguna ng Masipag, ng People’s Petition for Writ of Kalikasan at Continuing Mandamus sa Korte Suprema at petisyon sa Department of Agriculture Region 6 para sa pagpapatigil ng komersyalisasyon ng Golden Rice, ay nagtipon-tipon noong October 17, 2022 ang mahigit 100 na magsasaka ng Barangay Roxas at Cogon sa Basey, Samar upang talakayin ang bantang dala ng Golden Rice at kung paano nila maipapahayag ang kanilang pagtutol nito. Isa ang Basey sa natukoy ng PhilRice na mga pilot areas ng pagpapalaganap ng genetically modified na palay.

“Kung hindi naman maaasahan ang Vitamin A na sinasabing na sa Golden Rice, ay bakit pa ito itatanim? Mas mabuti pang sipagan namin ang pagtatanim ng kamote, malunggay, at iba pang mayaman sa Vitamin A,” pahayag ni Gil Gacus ng Barangay Cogon Farmers Association, kaugnay sa nababawas na Vitamin A habang tumatagal ang pag-iimbak ng Golden Rice at tuwing lulutuin ito. Hinikayat din ni Tatay Gil ang mga kasamang magsasaka na paramihin ang mga natitirang tradisyonal na baridad ng palay na meron sila sa Barangay Cogon. Ang kasunod na barangay nito, ang Bulao, ang siyang tinamnan ng Golden Rice. Kinilala naman ng mga magsasakang nakilahok na isang malaking hamon sa kanila ang mapaliwanagan ang iba pang kapwa magsasaka sa Basey at makumbinsi silang hindi itanim ang Golden Rice.

Sa napipintong pamamahagi ng Golden Rice sa mga magsasaka sa Basey, ay nagkaisa ang mga magsasaka sa dalawang barangay na ang mga binhing ito ay tanggihan. “Hindi namin tatanggapin at hindi namin itatanim ang Golden Rice. Ngayon nga lang namin ito narinig. Wala itong mabuting maidudulot sa kabuhayan namin at sa kalikasan,” sabi ni Heliodoro Llenado, kasapi ng Tambuligay Farmers Association. Nadismaya ang marami sa kanila sa kawalan ng konsultasyon at sa tila pagbalewala sa mga magsasaka sa prosesong sana sila ang inuna at kasama.

Maliban sa Golden Rice ay napag-usapan rin ang ibang mga suliraning kinakaharap ng sektor agrikultura, gaya ng lumalalang importasyon, hindi makatarungang presyohan sa pamilihan, at epekto ng climate change. Para sa mga lumahok, magiging dagdag na pasanin at pasakit ang Golden Rice.

Naisagawa ang mga talakayan sa pakikipag-ugnayan ng Masipag sa Social Action Commission ng Diocese of Calbayog. Inaasahang masusundan ang mga talakayang ito sa iba pang mga barangay ng Basey, Samar sa pagpapatuloy ng kampanya kontra Golden Rice.

###

Mula sa pahayag ng pakikiisa ng Panay Alliance of Concerned Citizens for Health & Environmental Protection para sa pagsumite ng Writ of Kalikasana with the continues Mandamus para ipatigil ang commercial propagation nito.

Leave a Reply

%d bloggers like this: